Tuesday, May 20, 2014

Munting Kaalaman para sa Ating Mamamayan

Mag-isip ka ng isang bagay na hindi na ginagamit, wala ng pakinabang at naglalabas ng mabahong amoy...Basura. Ano naman ang iyong maiisip sa mga panapong bagay na wala ng silbi at tambak na lamang sa mga kabahayanan? Basura... Mga pinagtalupan ng gulay at prutas? Basura... Mga pakete ng shampoo at lalagyan ng mga sitsirya? Basura... Plastic? Basura... Lumang papel? Basura... Lahat na lamang ng ating isipin ay pwede nating tawaging basura. Pero sa lahat ng nabanggit, ano lang ba talaga ang tunay na basura?
                        (1) Mga halimbawa ng maling pagtatapon ng basura:





“Zero waste” kung ating iisipin, posible nga ba talaga ito? Maaari bang dumating ang araw kung saan ang bawat pamilya sa buong Pilipinas o maging sa buong mundo ay hindi na makapaggagawa pa ng basura? Hindi na nila kailangan pang magtapon ng mga bagay na sa tingin nila ay wala ng pakinabang para sa kanila; wala ng mamamayan na magiipit ng mga plastic ng kendi sa mga puwang sa upuan o pader; at wala na tayong makikitang mga sinunog na basura sa mga kalye at bakanteng lote. Posible ba talaga na mawala na ang basura? Sa unang tingin maaari nating sabihing imposible ang bagay na ito upang mangyari ngunit kung tayo ay maliliwanagan at mabibigyang kaalaman sa tamang pagsasaayos ng ating mga panapon, magugulat pa tayo sa magiging resulta dahil ang ganitong uri ng sistema ay tunay na mapangyayari at ang susi para magtagumpay ito ay nasa ating mga kamay.
Kagaya ng karamihan ay kulang din ang aking kaalaman pagdating sa tamang pangangalaga sa ating mga panapon. Ako ay isang estudyante din lamang na ang gawain ay ang magparami ng basurang nagiging kalat sa ating mga kalsada. Ngunit sabi nga ng mga nakatatanda, palaging may puwang ang pagbabago para sa atin.
Ako ay napabilang sa mga naging volunteer ng Mother Earth Foundation para ipalaganap ang kanilang adbokasiya patungkol sa Zero Waste. Hindi ito ang unang pagkakataon na ako ay naging isang volunteer ng organisasyong ito sapagkat sila din ang nangasiwa ng aming NSTP noong ako ay nasa unang taon pa lamang ng aking pagtuntong sa kolehiyo. Ito ang dahilan kung bakit noong kami ay pinapili kung saan namin balak igugol ang aming panahon para sa aming practicum ay hindi ako nagdalawang-isip na piliin ang MEF. Alam ko na ang kanilang adbokasiya kung kaya’t nais kong makatulong upang ipalaganap ito sa ating mga mamamayan.
 

(2) Mula sa kaliwa/likod: Ate Jem, Monica, Bianca, Hannah, Carlo (ako), Kuya                                  Raph, Mula sa kaliwa/harap: Erica, Chelsea, Aira, CJ, Janelle

Nagumpisa ang aming trabaho sa pagsasagawa ng IEC o Informatin and Education Campaign sa mga taga San Fernando Pampanga. Ako kasama ang siyam ko pang mga kamag-aral ang siyang tumulong sa mga tauhan ng MEF na nakabase sa Pampanga upang palaganapin at bigyang aksyon ang nasabing adbokasiya. Kami ay nagpupunta sa mga kabahayanan sa iba’t ibang mga barangay upang magbigay ng mga “flyers” patungkol sa tamang paghihiwalay ng kanilang mga basura. Ipinapaliwanag din namin ang importansya ng tamang paghihiwalay ng kanilang basura upang kanilang mas maintindihan na ang tamang pagsasaayos ng kanilang basura ay hindi lamang makakatulong para sa ating kalikasan, kundi makakatulong rin ito sa pangangalaga ng kanilang kalusugan. Marami sa mga may-ari ng bahay ang sumasang-ayon sa aming adhikain ngunit hindi rin natin maiiwasan na may mga taong taliwas ang pananaw pagdating sa aming ipinapakalat. Naranasan kong makipagdiskusyon sa mga may-bahay at sa ilang grupo ng mga kalalakihan na hindi sang-ayon ang pananaw sa akin. Nakaka-kaba man minsan ang ganitong uri ng sitwasyon, ngunit sa ganitong uri ng mga pagkakataon mas mananaig ang iyong hangarin na panibaguhin ang maling suhestyon ng ilang mamamayan. Napakasarap sa damdamin tuwing magagawa mong makumbinse ang mga tao patungkol sa iyong nais iparating.
 





(3) Aktwal na pakikipagusap sa mga may-bahay kasama ang mga volunteers mula                             sa Nueva Vizcaya at si Bianca
Masasabi kong hindi talaga biro ang aming ginawang pagbisita sa mga barangay dahil sa ilang mga bagay. Una ay dahil sa mainit na panahon sa Pampanga. Nag-uumpisa ang aming trabaho ng alas-otso ng umaga at natatapos ng alas-dose ng tanghali, maguumpisa ulit ng ala-una ng hapon hanggang alas-kwatro, ito ang nasa aming iskedyul ngunit napapalitan din ang mga oras na ito depende sa nagiging takbo ng aming trabaho. Upang magawang makapagbahay-bahay, ano pa ba ang kailangang gawin, siyempre ay kailangan naming maglakad; maglakad sa tanyag na sikat ng araw. Isa pang kalaban namin ay ang pagod, pagod sa paglalakad at sa pakikipag-usap sa mga may-bahay ng bawat barangay. Init ng panahon idagdag pa ang pagod ng katawan ay tunay naman talagang makapagpapasuko sa isang tao. Ngunit kahit ganito ang aming sinusuong sa bawat araw, hindi kami kailanman sumuko at bagkus, ako ay nasisiyahan sa aming ginagawa habang tumatagal. Batid ko sa aking mga kasamahan na sila ay napapagod na din sa aming ginagawa ngunit sa bawat sandali na kami ay nasa mga kabahayanan na, sa tuwing nakikita ko silang nagpapaliwanag sa mga tao, ako ay natutuwa at mas sinisipag na magtrabaho sa kadahilanang hindi ko din maipaliwanag. Ito ay maaaring sa kadahilanang nakikita ko silang hindi sumusuko at nagagawa pa ding tumawa kahit pawisan na at batid sa mukha ang pagod na nadarama. Hindi talaga biro ang trabaho na aming naranasan, ngunit masasabi kong malaki ang naging tulong nito para akin at sa aking mga kasamahan dahil nagawa naming mapaunlad ang aming kakayahang makihalubilo sa iba’t ibang uri ng tao. Napaunlad din nito ang aming kaisipan pagdating sa pakikipagdiskusyon sa mga taong taliwas ang papanaw sa aming hangarin.


(4) Kami kasama ang kolektor ng Lourdes Heights patungo sa kanilang MRF





                          (5) Pagsasagawa ng Dry-run sa Brgy. San Nicolas

Isa pang parte ng aming naging trabaho ay ang pagsasagawa ng mga dry-run sa iba’t ibang barangay sa San Fernando Pampanga. Ito ay isinasagawa upang malaman kung talagang nakinig ba ang mga mamamayan sa isinagawang pagpapakalat ng mga flyers sa kani-kanilang mga lugar. Dito ay nagbabahay-bahay din kami kasama ang mga kolektor ng basura ng kanilang barangay upang kolektahin ang kani-kanilang mga basura. Ipinapatupad ng mga barangay sa San Fernando ang polisiyang “No segregation, No collection” kung kaya’t kung hindi nakahiwalay ang basura ng mga residente ng barangay, sila ay hindi makukuhanan ng basura at maaaring matiketan pa at mapagmulta dahil sa kanilang hindi pagsunod sa polisiya. Ano nga ba ang dapat na mga pinaghihiwalay sa ating mga itinataong basura? Dapat ay nakahiwalay ang mga nabubulok gaya na lamang ng mga tirang pagkain, pinagbalatan ng gulay at prutas, at mga tuyong dahon. Nakahiwalay din dapat ang mga nareresiklong bagay gaya ng mga plastic at dibabasaging bote; hiwalay rin ang mga papel at karton na nakapaloob din sa kategoryang ito. Ang mga latak o residuals gaya ng mga sachet ng shampoo, mga plastic bags ay dapat nakahiwalay rin ng lalagyan. Ang mga hospital wastes o hazardous wastes naman ay kailangang maingat ang paghihiwalay sapagkat ito ay nagtataglay ng mga mikrobyo na maaaring makapagdulot ng sakit sa tao. Panghuli ay ang tinatawag nating mga special wastes, ito ay ang mga diapers, napkins, at mga tissue na dapat hiwalay ang kinalalagyan. Hiwalay rin ng tapunan ang mga styrofoam dahil ito ay kabilang sa mga special wastes. Ito ay isang halimbawa lamang ng tamang paghihiwalay ng ating mga basura.

(6) Isang halimbawa ng tri-bike na ginagamit ng kolektor sa pagkuha ng basura





(7) Larawan ng truck ng basura na kumukuha ng naipong panapon sa mga MRF
(8) Aktwal na paghihiwalay ng basura ng mga residente sa Brgy. San Agustin






 Ang mga nakokolektang basura ay dinadala sa Material's Recovery Facility o kilala din sa tawag na MRF. Dito pinaghihiwa-hiwalay din ang mga naipong basura ng mga kolektor upang maisaayos ang pagiimbak sa mga basura bago pa kunin ng mga truck na mangongolekta sa bawat barangay sa San Fernando. Mayroong mga nangangasiwa sa mga MRF upang panatilihing malinis ang mga ito at maiwasan ang pagbaho ng mga nakaimbak na panapon.
(9) Mga halimbawa ng MRF ng bawat barangay sa San Fernando Pampanga






 

(10) Isang isinasagawa pa lamang na MRF sa Aurora Heights



            Sa halos isang buwan kong pananatili sa San Fernando Pampanga upang ipakalat ang adbokasiya ng MEF tungkol sa Zero Waste, marami akong natutuhan na aking maidadagdag sa aking kaalaman hindi lamang sa tamang paghihiwalay ng basura, kundi pati na rin ang mas mahahalagang aral gaya na lamang ng pakikitungo sa ating mga kapwa. Aking masasabi na malaking tulong ang aking naging karanasan kasama ang buong myembro ng MEF Pampanga sa aking pagpapaunlad ng sarili at kaisipan. Hindi ko malilimutan ang lahat ng mga kaganapang nangyari sa aking pagtira sa Pampanga kasama ang aking mga kaagaral. Bawat pangyayari ay aking iingatan at hinding-hindi na mawawala sa aking gunita.
            Ang ating mundo at ang lahat ng naririto ay hindi permanente at maaaring maglaho na lamang sa isang iglap kung kaya’t importanteng pangalagaan natin ito habang may oras pa. Hindi dahilang maituturing ang pagsasabi na isa ka lamang mamamayan ng inyong barangay kung kaya’t wala kang maitutulong sa pagliligtas ng ating kalikasan. Ang simpleng paghihiwa-hiwalay ng basura sa ating mga tahanan ay isang malaking hakbang na tungo sa pagbabago. Lahat ng bagay ay nagsisimula lamang sa paunti-unting kontribyusyon ng bawat isa sa atin at kapag ito ay nagpatuloy, magiging isang malaking pagbabago ang magaganap. Wag nating kalimutan na nasa ating mga kamay ang pagbabago, kailangan lamang nating magtulungan upang makamit natin ang ating mga hangarin.

(11) Isang larawan kasama ang mga MEF Pampanga Staff (mula sa kaliwa: Ate Mei, Ate Jen, Hannah, CJ, Erica, Ate Jem, Janelle, Bianca, Monica, Tita Armen)

- Roland Carlo D.T. Gatchalian 

No comments:

Post a Comment