Mag-isip ka ng isang bagay na hindi na ginagamit, wala ng pakinabang at naglalabas ng mabahong amoy...Basura. Ano naman ang iyong maiisip sa mga panapong bagay na wala ng silbi at tambak na lamang sa mga kabahayanan? Basura... Mga pinagtalupan ng gulay at prutas? Basura... Mga pakete ng shampoo at lalagyan ng mga sitsirya? Basura... Plastic? Basura... Lumang papel? Basura... Lahat na lamang ng ating isipin ay pwede nating tawaging basura. Pero sa lahat ng nabanggit, ano lang ba talaga ang tunay na basura?
“Zero waste”
kung ating iisipin, posible nga ba talaga ito? Maaari bang dumating ang araw
kung saan ang bawat pamilya sa buong Pilipinas o maging sa buong mundo ay hindi
na makapaggagawa pa ng basura? Hindi na nila kailangan pang magtapon ng mga
bagay na sa tingin nila ay wala ng pakinabang para sa kanila; wala ng mamamayan
na magiipit ng mga plastic ng kendi sa mga puwang sa upuan o pader; at wala na
tayong makikitang mga sinunog na basura sa mga kalye at bakanteng lote. Posible
ba talaga na mawala na ang basura? Sa unang tingin maaari nating sabihing
imposible ang bagay na ito upang mangyari ngunit kung tayo ay maliliwanagan at
mabibigyang kaalaman sa tamang pagsasaayos ng ating mga panapon, magugulat pa
tayo sa magiging resulta dahil ang ganitong uri ng sistema ay tunay na
mapangyayari at ang susi para magtagumpay ito ay nasa ating mga kamay.
Kagaya
ng karamihan ay kulang din ang aking kaalaman pagdating sa tamang pangangalaga
sa ating mga panapon. Ako ay isang estudyante din lamang na ang gawain ay ang
magparami ng basurang nagiging kalat sa ating mga kalsada. Ngunit sabi nga ng
mga nakatatanda, palaging may puwang ang pagbabago para sa atin.
Ako
ay napabilang sa mga naging “volunteer”
ng Mother Earth Foundation para
ipalaganap ang kanilang adbokasiya patungkol sa Zero Waste. Hindi ito ang unang
pagkakataon na ako ay naging isang volunteer ng organisasyong ito sapagkat sila
din ang nangasiwa ng aming NSTP noong ako ay nasa unang taon pa lamang ng aking
pagtuntong sa kolehiyo. Ito ang dahilan kung bakit noong kami ay pinapili kung
saan namin balak igugol ang aming panahon para sa aming practicum ay hindi ako nagdalawang-isip na piliin ang MEF. Alam ko
na ang kanilang adbokasiya kung kaya’t nais kong makatulong upang ipalaganap
ito sa ating mga mamamayan.
(2) Mula sa
kaliwa/likod: Ate Jem, Monica, Bianca, Hannah, Carlo (ako), Kuya Raph, Mula sa kaliwa/harap: Erica, Chelsea, Aira, CJ,
Janelle
Nagumpisa
ang aming trabaho sa pagsasagawa ng IEC o Informatin
and Education Campaign sa mga taga San Fernando Pampanga. Ako kasama ang
siyam ko pang mga kamag-aral ang siyang tumulong sa mga tauhan ng MEF na
nakabase sa Pampanga upang palaganapin at bigyang aksyon ang nasabing
adbokasiya. Kami ay nagpupunta sa mga kabahayanan sa iba’t ibang mga barangay
upang magbigay ng mga “flyers”
patungkol sa tamang paghihiwalay ng kanilang mga basura. Ipinapaliwanag din
namin ang importansya ng tamang paghihiwalay ng kanilang basura upang kanilang
mas maintindihan na ang tamang pagsasaayos ng kanilang basura ay hindi lamang
makakatulong para sa ating kalikasan, kundi makakatulong rin ito sa
pangangalaga ng kanilang kalusugan. Marami sa mga may-ari ng bahay ang
sumasang-ayon sa aming adhikain ngunit hindi rin natin maiiwasan na may mga
taong taliwas ang pananaw pagdating sa aming ipinapakalat. Naranasan kong
makipagdiskusyon sa mga may-bahay at sa ilang grupo ng mga kalalakihan na hindi
sang-ayon ang pananaw sa akin. Nakaka-kaba man minsan ang ganitong uri ng
sitwasyon, ngunit sa ganitong uri ng mga pagkakataon mas mananaig ang iyong
hangarin na panibaguhin ang maling suhestyon ng ilang mamamayan. Napakasarap sa
damdamin tuwing magagawa mong makumbinse ang mga tao patungkol sa iyong nais
iparating.
(3) Aktwal na
pakikipagusap sa mga may-bahay kasama ang mga volunteers mula sa Nueva Vizcaya at
si Bianca
Masasabi
kong hindi talaga biro ang aming ginawang pagbisita sa mga barangay dahil sa
ilang mga bagay. Una ay dahil sa mainit na panahon sa Pampanga. Nag-uumpisa ang
aming trabaho ng alas-otso ng umaga at natatapos ng alas-dose ng tanghali,
maguumpisa ulit ng ala-una ng hapon hanggang alas-kwatro, ito ang nasa aming
iskedyul ngunit napapalitan din ang mga oras na ito depende sa nagiging takbo
ng aming trabaho. Upang magawang makapagbahay-bahay, ano pa ba ang kailangang
gawin, siyempre ay kailangan naming maglakad; maglakad sa tanyag na sikat ng
araw. Isa pang kalaban namin ay ang pagod, pagod sa paglalakad at sa
pakikipag-usap sa mga may-bahay ng bawat barangay. Init ng panahon idagdag pa
ang pagod ng katawan ay tunay naman talagang makapagpapasuko sa isang tao.
Ngunit kahit ganito ang aming sinusuong sa bawat araw, hindi kami kailanman
sumuko at bagkus, ako ay nasisiyahan sa aming ginagawa habang tumatagal. Batid
ko sa aking mga kasamahan na sila ay napapagod na din sa aming ginagawa ngunit
sa bawat sandali na kami ay nasa mga kabahayanan na, sa tuwing nakikita ko
silang nagpapaliwanag sa mga tao, ako ay natutuwa at mas sinisipag na
magtrabaho sa kadahilanang hindi ko din maipaliwanag. Ito ay maaaring sa
kadahilanang nakikita ko silang hindi sumusuko at nagagawa pa ding tumawa kahit
pawisan na at batid sa mukha ang pagod na nadarama. Hindi talaga biro ang
trabaho na aming naranasan, ngunit masasabi kong malaki ang naging tulong nito
para akin at sa aking mga kasamahan dahil nagawa naming mapaunlad ang aming
kakayahang makihalubilo sa iba’t ibang uri ng tao. Napaunlad din nito ang aming
kaisipan pagdating sa pakikipagdiskusyon sa mga taong taliwas ang papanaw sa
aming hangarin.
(4) Kami kasama ang
kolektor ng Lourdes Heights patungo sa kanilang MRF
(5) Pagsasagawa ng Dry-run sa Brgy. San
Nicolas
Isa
pang parte ng aming naging trabaho ay ang pagsasagawa ng mga dry-run sa iba’t ibang barangay sa San
Fernando Pampanga. Ito ay isinasagawa upang malaman kung talagang nakinig ba
ang mga mamamayan sa isinagawang pagpapakalat ng mga flyers sa kani-kanilang
mga lugar. Dito ay nagbabahay-bahay din kami kasama ang mga kolektor ng basura
ng kanilang barangay upang kolektahin ang kani-kanilang mga basura.
Ipinapatupad ng mga barangay sa San Fernando ang polisiyang “No segregation, No collection” kung
kaya’t kung hindi nakahiwalay ang basura ng mga residente ng barangay, sila ay
hindi makukuhanan ng basura at maaaring matiketan pa at mapagmulta dahil sa
kanilang hindi pagsunod sa polisiya. Ano nga ba ang dapat na mga pinaghihiwalay
sa ating mga itinataong basura? Dapat ay nakahiwalay ang mga nabubulok gaya na
lamang ng mga tirang pagkain, pinagbalatan ng gulay at prutas, at mga tuyong
dahon. Nakahiwalay din dapat ang mga nareresiklong bagay gaya ng mga plastic at
dibabasaging bote; hiwalay rin ang mga papel at karton na nakapaloob din sa kategoryang
ito. Ang mga latak o residuals gaya ng mga sachet ng shampoo, mga plastic bags
ay dapat nakahiwalay rin ng lalagyan. Ang mga hospital wastes o hazardous
wastes naman ay kailangang maingat ang paghihiwalay sapagkat ito ay nagtataglay
ng mga mikrobyo na maaaring makapagdulot ng sakit sa tao. Panghuli ay ang
tinatawag nating mga special wastes, ito ay ang mga diapers, napkins, at mga
tissue na dapat hiwalay ang kinalalagyan. Hiwalay rin ng tapunan ang mga
styrofoam dahil ito ay kabilang sa mga special wastes. Ito ay isang halimbawa
lamang ng tamang paghihiwalay ng ating mga basura.
(6) Isang halimbawa ng tri-bike na ginagamit ng kolektor sa pagkuha ng basura
(7) Larawan
ng truck ng basura na kumukuha ng naipong panapon sa mga MRF
(8) Aktwal
na paghihiwalay ng basura ng mga residente sa Brgy. San Agustin
Ang mga nakokolektang basura ay dinadala sa Material's Recovery Facility o kilala din sa tawag na MRF. Dito
pinaghihiwa-hiwalay din ang mga naipong basura ng mga kolektor upang maisaayos
ang pagiimbak sa mga basura bago pa kunin ng mga truck na mangongolekta sa
bawat barangay sa San Fernando. Mayroong mga nangangasiwa sa mga MRF upang
panatilihing malinis ang mga ito at maiwasan ang pagbaho ng mga nakaimbak na
panapon.
(9) Mga halimbawa ng MRF ng bawat barangay sa San Fernando Pampanga
(10) Isang isinasagawa
pa lamang na MRF sa Aurora Heights
Sa halos isang buwan kong pananatili
sa San Fernando Pampanga upang ipakalat ang adbokasiya ng MEF tungkol sa Zero
Waste, marami akong natutuhan na aking maidadagdag sa aking kaalaman hindi
lamang sa tamang paghihiwalay ng basura, kundi pati na rin ang mas mahahalagang
aral gaya na lamang ng pakikitungo sa ating mga kapwa. Aking masasabi na
malaking tulong ang aking naging karanasan kasama ang buong myembro ng MEF
Pampanga sa aking pagpapaunlad ng sarili at kaisipan. Hindi ko malilimutan ang
lahat ng mga kaganapang nangyari sa aking pagtira sa Pampanga kasama ang aking
mga kaagaral. Bawat pangyayari ay aking iingatan at hinding-hindi na mawawala
sa aking gunita.
Ang ating mundo at ang lahat ng
naririto ay hindi permanente at maaaring maglaho na lamang sa isang iglap kung
kaya’t importanteng pangalagaan natin ito habang may oras pa. Hindi dahilang
maituturing ang pagsasabi na isa ka lamang mamamayan ng inyong barangay kung
kaya’t wala kang maitutulong sa pagliligtas ng ating kalikasan. Ang simpleng
paghihiwa-hiwalay ng basura sa ating mga tahanan ay isang malaking hakbang na
tungo sa pagbabago. Lahat ng bagay ay nagsisimula lamang sa paunti-unting
kontribyusyon ng bawat isa sa atin at kapag ito ay nagpatuloy, magiging isang
malaking pagbabago ang magaganap. Wag nating kalimutan na nasa ating mga kamay
ang pagbabago, kailangan lamang nating magtulungan upang makamit natin ang
ating mga hangarin.
(11) Isang larawan
kasama ang mga MEF Pampanga Staff (mula sa kaliwa: Ate Mei, Ate Jen, Hannah, CJ, Erica, Ate Jem, Janelle, Bianca,
Monica, Tita Armen)
- Roland Carlo D.T. Gatchalian